Mga Pagkain Para Sa Malusog na Puso

Ayon sa American Heart Association, ang pagkain ng mapupulang pagkain ay isang paraan upang maalagaan ang inyong puso. Narito ang mga prutas at gulay na pwede nyong kainin:

Kamatis, Tomato Sauce At Ketchup

Ang kamatis ay nagtataglay ng beta-carotene at lycopene. Ayon sa mga pag-aaral, ang lycopene ay napag-alaman na isa sa pinakamataas na anti-oxidant. Batay sa nga resulta ng mga pag-susuri ng mga eksperto, ang pagkain ng kamatis, tomato sauce o ketsap ay nagpapababa ng chance na magkaroon ng prostate cancer, cancer sa bituka, at sakit sa puso.

Pulang Mansanas

Mataas ang quercetin content ng red apples. Ayon sa mga pag-aaral, makaiiwas sa kanser sa baga at sa Alzheimer’s disease ang mga taong kumakain ng “one apple a day.” Ang balat ng mansanas ay may pectin na kung saan ay nakakapagpababa din ng level ng cholesterol (LDL cholesterol) ng 16%.

Pulang Ubas

Ang pulang ubas o red grapes ay nagtataglay ng quercetin, flavonoids, at resveratrol (nasa balat nito). Napag-alaman ng mga eksperto na ang ubas ay may kakayahang mapataas ang ating good cholesterol. Maliban dito, ang ubas din ay nakapipigil sa pagbuo-buo ng platelets sa dugo upang hindi magbara ang ugat. Mas masustansya ang pula at itim na ubas kumpara sa berde o puting ubas. Ang sobra nga lang na pagkain nito ay nakakataba din.

Pulang Pakwan

Ang U.S. Department of Agriculture ay nagpahayag na ang pakwan ay may benepisyo sa ating puso at mga ugat (blood vessels). Ang pagkain nito ay nagpapataas ng arginine level sa ating katawan.
Ang arginine ay naco-convert sa nitric acid, isang chemical na nagpapa-relaks at nagpapabuka ng ating ugat. Dahil dito, makatutulong ito sa pag-iwas sa stroke at heart attack.

Red Wine

Ang red wine ay gawa sa ubas at may taglay na resveratrol. Ang resveratrol ang responsible sa pagpapataas ng good cholesterol at pagpapababa ng bad cholesterol. Subalit, kailangang hinay-hinay lang sa pag-inom ng alak. Ang mga kababaihan ay pwede lamang uminom ng 1 maliit na baso bawat araw at 2 maliit na baso naman para sa mga kalalakihan. Mas madaling malasing ang mga babae kesa sa mga lalake dahil mas payat sila.

Strawberries

Matatagpuan dito ang ellagic acid at polyphenols na syang nagpro-protekta laban sa cancer. Ang strawberries din ay may mataas na levels ng vitamin B at C, potassium, at antioxidants na kailangan sa normal na pagtibok ng puso.